Ang Suwi at ang Binatilyo (The Twig and the Boy)

Hindi ako marunong umawit
Ngunit kung ako ay marunong
Walang tamang salitang makapagbibigkas
At kung may salita, ito ba ay iyong maririnig?

Hindi ako marunong magpinta
Ngunit kung ako’y marunong
Walang kulay na maaaring gamitin
At kung mayroong kulay, ito ba ay iyong makikita?

Kung kaya kong ipahiwatig
Ang damdamin ng taong nakatira sa loob ko
Mararamdaman ba ng taong nasa loob mo?

Paano ba sasabihin
O lalapatan ng musika
O maiguguhit sa papel
Ang ma-detalyeng alaala
Pinaghalong pait at tamis na mula sa iisang panig ng kasaysayan
Gamit ang mga pahayag na hindi makapagsasa-larawan
Mga salitang hindi hustong makapagbu-bunyag
Sa walang kamatayang damdamin, na inasinan ng kasalukuyan
Mula sa panahong matagal nang naglaho

Parang isang puno na nagsasalaysay
Ng pait, mga lihim at ningning ng nakaraan
At ng taong ang naaalala lamang ay ang munting suwi
At ng puno na ang naaalala lamang ay ang munting binatilyo

Ikaw, ay hindi kung sino ka sa nakaraan
Ako, ay hindi kung sino ako sa nakaraan
At silang nakaraan natin ay namumuhay mag-isa
Nakakulong sa loob ng bawat isa sa atin
Nagpupumiglas, nananabik na abutin ang isa’t isa

Ngunit kailan man ay hindi na sila muling magtatagpo

At ang aking handog sa kanilang kasaysayan at siyang pangwakas na pahayag

Na bagamat hiwalay ang ating alaala
At ang naririnig lamang natin ay ang magkabukod na alingawngaw ng ating nakaraan
Kung sino ka at ako ngayon
Magkasama nating gunitain at ipagdiwang ng mataimtim at may katapatan
Ang busilak na alaala ng dati natin

At pagdating ng aking oras
Sa aking huling hininga
Isang panalangin ang tahimik kong sasambitin
Na kung tayo ay parehong wala na
Na sana ay wag makalimot ang langit
At nawa’y pagdugtungin nito, ang mga bagay na hindi natin mapagdugtong

Ang alaala ng puno at ng tao
Ang alaala ng munting suwi at ng binatilyo
Ang alaala natin