08/26/19
Lapulapu

Lamos

Written: August 26, 2019 @1:46am

Naaalala ko, nung bata pa ako. Sina tiya Puring na aming kapitbahay ay may dalawang Bicolanong pamangkin na nagbakasyon sa Lucena. Nakalimutan ko na yung pangalan ng isa, pero yung isa ay hindi ko makalimutan. Nakilala ko lang siya sa pangalang “Lamos”.

Maitim siyang bata, halatang sunog sa araw at lumaki sa dagat. Ang mukha niya ay tipikal na native na Filipino. Hindi katangusan ang ilong pero maganda at inosente ang kanyang mga matang parating nakangiti. Matangkad siya para sa kanyang edad, mga 12 o 14 siguro siya noon. Bata pa man siya ay kita na malaking bulas siya. Malapad ang balikat at maganda ang pangangatawan. Halatang laki sa hirap, at gusgusin ang pananamit.

Isang gabi inutusan ako ni Mommy na bumili ng kung anuman sa tindahan ni aling Josie, nakasalubong ko si Lamos at ang kanyang pinsan. Nang makita ni Lamos na ako ang kasalubong nila, kitang-kita ko sa liwanag ng buwan kung paanong bigla na lang gumuhit ang mahiyaing ngiti sa kanyang mga labi na nagbunyag sa kaniyang mapuputing ngipin. Kita ko na may itsura siya at hindi ako bulag sa kanyang inosenteng karisma, ngunit imbes na ngumiti ako, inirapan ko siya.

Nung pabalik na ako, nakita ko silang dalawang bata na naghihintay sa may pathway. Nung makita nila ako, sabay silang tumayo. Si Lamos hagikhik ng hagikhik na para bang kinikiliti. Kahit bata pa ako, alam ko na sa hitsura ni Lamos na may crush siya sa akin. Ito ay bagay na ikinainis ko, dahil siya ay probinsyano at gusgusin. Nung panahon na yun ay ayaw na ayaw ko sa maiiitim dahil ako ay maitim rin. Pinagtatawanan ako ng aking mga pinsan dahil si Lamos na maitim at gusgusin ay may crush sa akin.

Tuwing lalabas ako ng bahay nakabuntot siya sa akin, sinusundan ako, pero minsan man ay hindi siya nagtangkang kausapin ako, marahil ay dahil isnabera ako at parating nakairap sa kanya.

Sa tuwing lilingon ako, titigil sya sa paglalakad, ngingiti sa akin, kakamot sa ulo at magkukunwaring hindi niya ako sinusundan. Titingnan ko lang siya ng masama at kakamot lang siya sa ulo.

Napakaraming dahilan kung bakit hindi ko pinansin noon si Lamos. Una, dahil ako ay bata pa, mura pa ang aking pag-iisip.

Mas importante sa akin noon ang sasabihin ng mga pinsan ko. Madalas akong pagtawanan ng aking mga pinsan dahil sa kulay ng aking balat. Mas lalo pa nila akong nilait nung malaman nilang may gusto sa akin si Lamos na maitim din.

Ikalawa, siya ay probinsyano, samantalang ako ay laki sa syudad. Dahil ako ay bata pa, sa isip ko ang isang probinsyano ay primitibo. Pakiramdam ko ay hindi kami bagay at wala kaming maaaring pag-usapan.

Ang isip ko ay nasa malayo, nananabik ako sa mga grandeng bagay at ayaw ko sa mga simpleng bagay at simpleng pamumuhay. Nagnanais akong makita ang mundo na hindi abot ng isang mahirap na tulad ko. Mababa ang aking tingin sa mga simpleng mga bagay at pag-iiisip. Nangangarap at nananabik akong matutunan ang malayo at malalalim na mga pilosopiya. Mga bagay na ukol sa sansinukob, siyensya, mga paraan ng mundo, politika, mga batas, lihim na kasaysayan ng ating planeta, sangkatauhan, sikolohiya at mga kulturang hindi ko abot.

Ikatlo, nung mga panahon na iyon, ayaw ko sa sinumang nagpapakita sa akin ng interes. Hindi ako masaya sa aking sarili at pakiramdam ko ay hindi pa ako buong tao. Isa pa lamang akong maliit na piraso na bahagya pa lamang nagsisimulang mamukadkad.

Pakiramdam ko ay sinumang magkagusto sa akin noon ay walang pangarap sa buhay at simple ang pag-iisip.

Kalaunan bumalik na sila sa Bicol at ako naman ay nagpa-Maynila.

Isang beses, ako ay malaki na, umuwi ako ng Lucena. Nagkataon nandoon uli si Lamos, nagbabakasyon.

Hindi pa rin nagbago ang kanyang mukha at pananamit. Mukha pa rin siyang gusgusin. Naroon pa rin ang maganda at inosente niyang mga mata. Mahiyain pa rin ang kanyang mga ngiti at ganun pa rin siyang tumingin sa akin. Isang bagay lang ang nabago sa kanya, siya ay hindi na bata. Ngayon siya ay binata na, at bagaman gusgusin pa rin ang pananamit, si Lamos ay lumaking matangkad at napaka-gwapo. Bawat pulgada ng kanyang pisikal na imahe ay kanais-nais at lalaking-lalaki. Animo’y mandirigmang dagat gaya ni Lapulapu.

Naulit muli ang senaryo ng aming kabataan, siya’y pasulyap-sulyap sa akin at ako naman ay nagkukunwaring hindi ko siya napapansin. Gaya nung bata pa kami, minsan man ay hindi kami nag-usap. Iyon na ang huli naming pagkikita.

Paminsan-minsan, nakakaramdam ako ng panghihinayang. Crush ko siya kahit nung bata pa kami, kaya nga lamang hindi ko ipinakita sa kanya at kahit kanino dahil mas iniisip ko ang sasabihin ng aking mga pinsan. Ngayon, naiisip ko, ano kaya ang pakiramdam ng mayakap nya, mahalikan niya at makausap siya. Anong pakiramdam na mahalin ng isang tulad niya.

Kung buburahin ang aking memorya, at ibabalik ako sa nakaraan, alam kong ganun pa rin ang magiging mga desisyon ko. Ngayon ito ay aking pinanghihinayangan, subalit kung kami ni Lamos ay nagkatuluyan noon, alam kong mas marami akong panghihinayangan at pagsisisihan. Mga bagay at pagkakataong hindi ko mararanasan kung ako ay nanatili sa Lucena at kung kami ay nagkatuluyan ni Lamos.

Ngayon ay alam ko na, anuman ang maging desisyon ko sa buhay, hindi maiiwasan na mayroon akong panghihinayangan.

Mula sa aking pinagsimulan, masasabing malayo na ang aking narating. At hindi maikakaila na napakaraming bagay na akong natutunan. Mas buong tao na ako kaysa noon at mayroon na akong pananalig sa aking sarili.

Ngunit sa kabila ng lahat ako ay malungkot, ang mga engrandeng bagay na noon ay pinanabikan ko ay nawalan na ng halina at ako ay nananabik sa mga bagay na simple. Nagnanais akong makapahinga sa salimuot ng mundo.

Para sa akin, si Lamos ay simbolo ng kamusmusan at mga simpleng bagay at pamumuhay.