Aking napuna sa mundong ito, ang salita ay walang halaga at ang lahat ng mga bagay ay maaring magbago. Parang palengke na ang halaga ng mga bagay ay nababago ayon sa palitan.
Ang lahat ng bagay, bawat salita, bawat pangako, ay isang transaksyon. Mahal kita, mahal mo ba ako? Isang takal ng pag-ibig ko, para sa isang takal ng pag-ibig mo.
Aniya, “Matagal ko nang hinahanap ang taong magmamahal sa akin ng tunay. Handa akong tumbasan ang pag-ibig na iyon.”
Pero, narinig ko na yan sa palengke ng buhay. Sabi ng namamalengke, “Matagal ko nang hinahanap ang isdang ito. Handa akong magbayad ng katumbas na presyo.”
Ngunit, paano ang kalakaran, sa mga taong gaya ng isang puno na nagbibigay ng bunga, ng hindi sinusukat ang pagkatao at pamalit ng pumipitas nito? Gaya ng araw na sumisikat sa lahat. Walang inaasahang kapalit. Ano ang katumbas na presyo?
Ano ang katumbas ng pag-ibig na kusang bumubukal, walang hangganan? Anong timbangan ang sasapat sa isang alay?
Paano mo igagapos sa kasunduan at pangako ang isang kagaya ko, na may diwang malaya at hindi sumusunod sa kalakaran ng palengke?
Ang pag-ibig ko’y hindi kalakal na itinitinda. Ito ay hindi ayon sa kung ano ang maari mong ibigay na kapalit, ito ay ayon sa kakayanan kong mag-alay. Ito ay isang handog at panata sa dambana ng puso.
Maaari mong tanggapin o tanggihan ngunit hindi mo ito maaaring yurakan sapagkat ito ay sagradong alay at handog. At ang pagyurak ay siyang ganap na tatapos sa sakramento ng aking pag-ibig. Sapagkat ang mga bagay na sagrado, ay nangangailangan ng sagradong tahanan.
Huwag mo akong tawaran, huwag mong sukatin ang aking pagkatao, sapagkat ako at ang aking pag-ibig ay hindi nabibili.