Hindi kita iniibig para.
Hindi kita iniibig kasi.
Hindi kita iniibig kung.
Iniibig lang kita.
Hindi dagat ang pag-ibig ko na kailangang sukatin ang lalim.
Hindi langit na kailangang tantiyahin ang lawak.
Ito ay narito lang na gaya ng payapapang paghinga, gaya ng pagtibok ng puso, gaya ng umaga na dumarating, walang makapipigil, walang nag-uutos.
Hindi kita pipiliin araw-araw.
Pinili na kita minsan,
at doon natapos ang pagpili.
Ang natira ay pag-iral.
Pag-ibig na hindi na nagpapasya,
dahil tapos na. Buo na.
Huwag kang mag-alinlangan kung gaano.
Huwag mong tanungin kung hanggang saan.
Ngunit kung ang iyong puso’y nababalisa, sapat na ba ang sabihin ko na ang pag-ibig ko ay walang hanggan?
Gayung ang ating mga kamay, gaano man kalawak ang bukas ng palad ay sadyang hindi maiiwasang magkulang upang dakutin ang walang hangganan?
Ang pag-ibig ko’y hindi nagtatanong. Hindi nanunukat. Hindi humuhusga kung sobra o kulang.
Nakahain na.
Nakasindi na ang ilaw.
Nakalatag na ang mantel.
Wala nang seremonyas.
Wala nang kondisyon.
Uupo ka na lang.
Tatahan ka na lang.
Hihinga ka na lang sa loob ng pag-ibig na ito.
Hindi dahil karapat-dapat ka.
Hindi dahil kailangan mo.
Hindi dahil may kapalit.
Kundi dahil ang pag-ibig ko ay isang alay.
At ang alay, kapag tunay, hindi na kailangan pa ng dahilan.